Sa Pagitan ka Natagpuan

22365629_1454103041291821_2418537756393990686_n

A/N: This is a entry for the Saranggola Blog Awards 2017

Masarap paniwalaang itinakda tayong magkita noong madaling-araw na iyon. Puyat ako galing sa trabaho. Graveyard shift na naman kasi. Pauwi na ako nang mapansin kong tulala kang nakatambay sa dulo ng eskinitang nilalakaran ko. Nakatingin ka sa kawalan at wari ba’y ang layo-layo na ng nilalakbay ng iyong diwa. ‘Galing rin kaya sa trabaho ang isang ‘to?’ wari ko sa isip. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang ang mga mata’y nakatingin sa’yo. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa inaantok kong diwa o dulot lamang ng lamig sa umaga, pero nagpang-abot ang ating paningin. Hinding-hindi ko makakalimutan ‘yon. Parang nag-slow motion ang lahat. Nakaawang ang aking bibig habang tangan-tangan mo naman ang sigarilyo sa iyong mga labi. Ganun lang tayo. Ako, nakatingin sa’yo. Ikaw nama’y sa akin.

Masarap paniwalaang itinakda ulit tayong magkita noong araw na iyon. Namumugto ang aking mga mata dahil sa ginawang pagkastigo sa akin ni boss. Wari punyal sa puso ang bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig. Subalit kung kailan ang sarap magbingi-bingihan saka naman tinanggap ng aking mga tenga ang mga mura at pang-aalipusta ng mga kagagahang ako rin lang ang may gawa. Hindi ko alam na kaya palang magtransform ng mala-diyosa kong boss. Nang mga panahong ‘yon, bigla siyang tinubuan ng sungay, buntot, at pangil. Naging isa siyang kahindik-hindik na halimaw sa aking paningin. Pero nawala ang sama ng panahon nang araw na iyon nang makita kita. Binilisan ko ang paglakad papunta sa kinaroroonan mo. Isinawalang bahala ko ang mga batang nagtatakbuhan. Hindi inalintana ang tawag ng mga kapitbahay na nag-iinuman. Pinalagpas ang pangngungutya at tsismis ng mga kababehang ginawang libangan ang panghihimasok sa buhay ng iba. Nakatingin ka pa rin sa malayo habang hawak-hawak ang gitarang kanina’y kinukuskos mo. ‘Maganda kaya ang boses mo? Anong paborito mong kantahin? Kailan ka nagsimulang matutong maggitara?’ Ang dami kong nais itanong. Kaya lang, kung kailan malapit na kitang maabutan, tumayo ka mula sa iyong kinauupuan, naglakad pakaliwa, at nawala nalang bigla. Hindi ko malaman kung saang bahay ka pumasok. Bago lang ako sa lugar na ito. Kakalipat ko lang sa apartment na inuupahan ko. At wala akong masyadong kakilalang kapitbahay maliban sa’yo.

Masarap paniwalaang itinakda tayong magkasabay ng araw na iyon. Sa dulo ka ulit ng eskinitang dinadaanan ko araw-araw. May dala akong mabigat na backpack. May dala ka ring mabigat na backpack. Maglalakas-loob na sana akong magtanong kung saan ka pupunta nang tinawag ka ng lalaking nakaitim – si Rico. Tinawag rin ako ni Rico. Parehas pala tayong sasama sa mountain climbing na inorganisa niya. Hindi mo lang alam kong gaano ako kasaya noong ipinakilala niya tayo sa isa’t isa. Noon lang tayo nagtagpo nang ganun kalapit. Nakikita ko ang sarili kong repleksyon sa iyong abuhing mga mata. Ewan ko ba, pero ang sarap paniwalaang tayo ang itinakda. Akalain mo ‘yon? Sa dinamirami ng sumama sa event, tayo pa ang naging magkagrupo at magkatabi sa van? Walang mapagsisidlan sa tuwang nadarama ko nang araw na iyon. Tapos, ang bango mo pa. At imbes na magreklamo sa bawat paggiling ng sasakyang inarkila natin dahil sa liko-likong daan, nagbunyi ang aking kalooban dahil mas nagkakaroon ako ng dahilan upang mapadikit at mas mapagmasdan ang natutulog mong anyo. Para kang isang anghel na pinatalsik mula sa langit at ipinadala sa lupa upang akitin ako. Sayang-saya ako sa ginagawa ko nang bigla kang nagbukas ng iyong mga mata. Nabigla ako. At para hindi mabisto ang ginagawa ko’y agad akong luminga sa salamin ng van, as if nakatingin sa dinadaanan. Wrong move. Masyado palang napalapit ang ulo ko sa salamin. Sapul! Ang sakit ng pisngi at panga ko. Dadaing sana ako sa sakit nang bigla kang magsalita. ‘Ayos ka lang?’ Bigla akong napatingin sa’yo. Halos natatawa ang hitsura mo. Alam kong namumula ang mukha ko. Para akong sinampal ng sampung volleyball spikers. Pero hindi lang naman ‘yon ang dahilan ng pamumula ko. Ikaw.

Masarap paniwalaang itinakda tayong maging malapit sa isa’t isa. Ang pag-akyat na iyon ay nasundan pa ng maraming event. Hindi na ako aburido sa trabaho at pinakahihintay ko palagi ang pagdating ng weekend. Makikita na naman kita sa dulo ng eskinita. Dala-dala mo ang pangdayhike mong bag at babatiin mo ako ng isang ‘Magandang umaga.’ Kay ganda nga naman. Ang dating maingay at masikip na eskinita ay naging tagpuan natin sa bawat paggala. Minsan kasama ang grupo ni Rico, minsan tayo lang dalawa. Naniwala akong magtutuluy-tuloy na ang kwento nating dalawa.

Masarap paniwalaang panaginip lahat. Inaya mo akong magdinner. Sabi mo sa chat, may sasabihin ka. Importante. Sa wakas, natupad na rin ang matagal ko ng pinapangarap. Maaga akong nag-out sa trabaho. Umuwi ng apartment at nakipagdebate sa sarili kung anong dapat na isuot ko sa natatanging araw na ito. Ilang beses akong umikot sa harapan ng salamin. Ilang beses kong sprinayhan ang sarili ko ng pabango. Dapat maging perfect ang araw na ito. Nagchat ka ng alas otso. Sabi mo naghihintay kana sa dulo ng eskinitang palaging dinadaanan ko. Mabilis akong umalis ng apartment. Ilang beses ko ring tinapik ang magkabilang kong pisngi. Para akong timang sa sobrang excitement. Matapos ang ilang liko ay umabot na rin ako sa ating tagpuan. Nandoon ka sa dulo ng eskinita. Naghihintay. Nakatayo. Gwapong-gwapo sa suot mong polo shirt at maong pants. Bakat-bakat ang maganda mong katawan. Imbes na bilisan ay binagalan ko ang paglakad. Ang sarap sa pakiramdam. Hawak ng dalawa kong kamay sa harapan ang aking handbag samantalang nakatingin ka sa akin mula sa kinaroroonan mo. Ang hirap pigiling hindi mapaluha. Ilang beses ko ring pinangarap ang eksenang ito – ang iharap mo ako sa dambana. Ang maglakad sa pasilyo ng simbahan habang hinihintay mo ako sa altar. Ang mapalitan ang aking pangalan. Ang mangako ng panghabambuhay. Ang makasama ka sa hirap at ginhawa.Subalit ang tanging pasilyong maari kong lakaran ay ang maliit na eskinitang ito ng ating barangay. Ang altar na paghihintayan mo sa akin ay ang dulo ng kalyeng araw-araw na tinatahak ko. Hindi kailanman matatanggap ng simbahan ang relasyon natin. Hindi kailanman matatanggap ng iyong mga magulang ang pagmamahalan natin. Hindi kailanman maiintindihan ng karamihan na hindi ko pinili ang makulong sa katawang lalaking ito at mas hindi mo ninais na mapamahal sa isang baklang kagaya ko. Hindi nila maiintindihan.

saranggola

</div>

 

Advertisements

5 thoughts on “Sa Pagitan ka Natagpuan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s