ASPEKTO NG PAGMAMAHAL

IMG_20181010_172430-01-01.jpeg
Iba-iba ang mukha ng pag-ibig. Depende sa kung saang anggulo mo ito titingnan. (c) Dakilanglaagan

 

ANG NAGMAHAL (PERPEKTIBO)

IMG_20181010_173737-01-01.jpeg
Ang Nagmahal (c) Dakilanglaagan

Mas lalong bumibilis ang tibok ng puso ni Vin sa bawat hakbang na ginawa niya. Hindi maubos-ubos ang pawis sa kanyang mukha. Ito na ang araw na kinatatakutan niya. Mas lalong tumindi ang kaba niya nang makita ang mga doctor at nurse na nagkukumahog sa hallway. Aburido. Nagmamadali. Napatigil siya nang may dumaang stretcher kung saan nakahimlay ang isang lalaking duguan. Iniwas niya ang kanyang tingin at napunta sa loob ng kabilang kwarto. Nagpang-abot ang kanilang mga mata ng pasyenteng ilang buwan nang nakaconfine doon. Mas dumoble ang lakas ng tibok ng kanyang puso. Nagpang-abot ang kanilang paningin. At para bang aklat na sinimulang basahin, nagbalik ang mga alaalang pinilit na niyang kalimutan.

Si Jessie. Ang taong nagpakita sa kanya ng pagmamahal. Ang taong ibinigay ang lahat ng kanyang pangangailangan. Ang taong laging handang umalalay. Ang taong ilang gabi niyang naging parausan sa mga panahong wala na siyang masandalan. Nandoon si Jessie upang bigyang-linaw ang mga suliranin niya sa buhay. Ang dahilan kung bakit masarap pa ring mabuhay. Siya ang pumuno sa kakulangan ng kanyang asawa.

Asawa.

Asawa.

Waring may pumitik kay Vin. Napamulagat siya at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa delivery room kung saan naghihintay ang kanyang asawa.

 ANG NAGMAMAHAL (IMPERPEKTIBO)

IMG_20181010_172859-01-01.jpeg
Ang Nagmamahal (c) Dakilanglaagan

‘Dumating na sa bansa ang kilalang si Dr. Brent Binondo. Ang kilalang dokto na….’

Pagod na pagod na si Jessie. Hindi na niya maintindihan kung bakit pinipilit pa ng kanyang pamilya ang pagpapaospital sa kanya. Wala rin naming patutunguhan ‘yon. Mamamatay rin siya. Halos masaulo na niya lahat ng mga naipapalabas sa tv sa ilang buwan niyang pamamalagi sa loob ng kanyang kwarto.

‘Bakit kailangan ko pang mabuhay?’ hindi niya napigilang maitanong sa sarili. Inilipat niya ang paningin sa may pintuan at wasto namang nakita niya ang lalaking dahilan ng kanyang kapansanan. Nagpang-abot ang kanilang mga mata.

‘Paano niya nalamang nandito ako? Hinanap niya ba ako?’ Kung kailan may umusbong na pag-asa sa kanyang puso saka naman biglang nawala ito sa kanyang paningin gaya ng biglaang pag-alis nito sa kanyang buhay. Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong hininga.

‘Naghahallucinate ka na naman, bakla! Pagod na ako, Lord. Kunin mo na ako.’

At para namang dininig ng kapalaran ang kanyang kahilingan.

Tuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuuut~

“Sa lahat ng may-HIV diyan, laban lang tayo. Nagbunga na rin ang aming pag-aaral. May lunas na tayo!” anang balita mula sa tv.

ANG MAMAHALIN (KONTEMPLATIBO)

IMG_20181010_174206-01-01.jpeg
Ang Mamahalin (c) Dakilanglaagan

“Viral ka na,” komento ni Jacque habang pinapakita sa kanya ang ilang milyong reaction at shares mula sa kanyang interview kanina sa TV. Nakasakay sila ng taxi pauwi ng bahay mula sa airport.

 Napaismid lang si Dr. Brent Binondo. Ang tao nga naman. Kahit kailan wala ng ibang magawa kundi ang manlait ng kapwa. Matapos ang ilang taong pag-aaral niya ng medisina at paghahagilap ng sagot para sa walang lunas na sakit na HIV, iyon lang ang maibabato ng mga tao sa kanya? Ang ipamukha sa kanya ang kanyang nakaraan? Kahit siguro makagawa na siya ng gamot para sa lahat ng uri ng sakit sa mundo, hahanapan pa rin siya ng pagkakamali ng mga tao.

Pero mali nga ba ang daang tinahak niya? Mali bang gawin niya ang lubos na nakapagpapasaya sa kanya? Mali bang sundin niya ang sigaw ng kanyang puso? Mali bang magpunta ng Thailand at hanapin ang gamot sa kanyang pagkatao?

“Huwag mo na silang pansinin, Breana,” patuloy ni Jacque.

 

*Ito ang aking lahok para sa Saranggola Blog Awards 2018 para sa kategoryang dagli na may temang LGBT/SOGIE.

Saranggola 336x280

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s