
May iba’t ibang uri ng pag-ibig. Pwede mong mahalin ang iyong kapamilya, kaibigan, kaklase, katabi, kamag-anak, at ang mga taong nakakasalamuha mo araw-araw. Subalit, paano kung may ibang mukha ang pag-ibig? Magiging kasingtamis ba ito ng inaakala mo? Photo credits: Lievetures
***
Filial

Nagagalit ka dahil mahal mo ako
Namamalo ka dahil mahal mo ako
Ayaw mo akong umiiyak dahil mahal mo ako
Niyayakap mo ako nang pagkahigpit-higpit dahil mahal mo ako
Mahal mo nga ba ako?
Kasi nung gabing ‘yun hindi pagmamahal ang nakita ko
Ilang “putang ina”, “peste”, “punyeta” ang naubos mo
Ilang pinggan at baso ang nabasag mo nang sabihin kong… ayoko
Mahal mo nga ba ako?
Nasaan ang pagmamahal sa bawat sampal na natatanggap ko?
Nasa aking pwet, hita, o mukha ba?
O nasa taling buong higpit mong ikinabit sa aking mga kamay?
Mahal mo nga ba ako?
Kaya siguro ayaw mo akong umiiyak
Kaya siguro pinapasakan mo ng bimbo ang aking bibig
Upang hindi marinig ng kapitbahay ang pagmamakaawa, ang hagulhol,
Ang pagmamakaawang…. Tama na
Mahal mo nga ba ako?
Oo, ramdam ko
Sa bawat panahong nakakulong ako sa’yong bisig
Ramdam ng aking kahubdan ang iyong pagmamahal
Ang mga halik na sa aki’y pinapaligo mo
Ang mga haplos ng pagsamba mo
Ganito nga siguro ang magmahal
Ikaw, Gaano ka kamahal ng iyong ama?
***
Eros

Ginusto ko ‘to
Ang mga mapanghusgang mga mata
Nang-uuyam na mga ngiti
Mga haka-hakang lumulukob sa katahimikang pumapainlang sa loob ng korte
Ginusto ko ‘to
Ang pagsuot ng maiikling palda
Ang mga takong na ilang buwan kong ipinarada
Ang mga labi at pisnging kinulayan ko ng pula
Ginusto ko ‘to
Ang panginginig ng aking buong kalamnan
Nang ituro ko ang lalaking kalmanteng nakaupo sa may likuran
Tumaas ang gilid ng kanyang labi
Ngiting panalo sa aking wari
Ginusto ko ‘to
Ang maipakita ang hubo’t hubad na larawan
Ang masasayang tawa at galak dulot ng inuman
Ang biglaang paghalik niya sa akin
At ang dagling pag-akay niya papunta sa sukdulan
Ginusto ko ‘to
Ang maipakita ang mga galos niya sa likuran
Dulot ng pag-iisa ng aming katawan
Isinalaysay ang daing at sigaw ng kasiyahan
Ang pagluha nang umabot sa rurok ng hangganan
Ginusto ko ‘to
Ang naising sanay naging punyal nalang ang aking mga kuko
At ang mga sugat sa likod ay naging saksak sa pagpupumilit nito
Ginusto kong maging mamamaslang
Maging mamamatay-tao, kaysa maging parausan
Ginusto ko ‘to
Ang maging babae
Ang hugutin mula sa iyong tadyang
Ang mahalin kung kailan mo kinakailangan
At iwanan kung tapos na ang iyong kahayupan.
Ginusto ko ‘to, di ba?
***
Agape

At sinabi ng Panginoon:
Mahalin ninyo ang inyong kapwa
Hanapin ninyo Ako sa mga taong inyong nakakasalamuha
Bagkus ang tunay na nagmamahal ay punung-puno ng pang-unawa
Araw-araw kong inunawa ang kanilang ginagawa
Ang mabining paghaplos
Ang paghagod ng mga inosenteng kamay sa aking likod
Ang dahan-dahang pagbaba nito sa aking braso
At ang nakakakuryenteng pagdaiti nito sa gilid ng aking dibdib
Minahal ko sila nang walang kapalit
Kahit iba ang nararamdaman kong kilabot sa pagkakalapat ng aming mga binti
Ang manakanakang kirot at sakit
Nang walang humpay na pagpupumilit
Ibinigay ko ang aking sarili nang walang pag-aatubili
Kahit na may nararamadaman na akong pandidiri
Nanatiling tikom ang aking mga labi
Dahil sa iba’y isa lamang itong hamak na ordinaryong gawi
Humayo kayo at magpakarami
Sakmalin ninyo ang mga walang kiyemeng mga binibini
Harap-harapan niyo silang halayin sa loob ng jeepney
Patuloy ninyong ipagsiksikan ang inyong mga sarili
Di ba’t kalauna’y mamahalin kayo niya’n
Kagaya ng pagmamahal Ko sa sangkatauhan.
*Ito ay ang aking lahok para sa Saranggola Blog Awards 2018 sa kategoryang tula na may temang Sexual Harassment.
Woah… reading this with goosebumps!! Ganahan kay kos satire. 😀 ❤
LikeLike
Very. Mana kog record. Ugma pako mag-edit sa vid. (Wow, daming time) 😅😅😅 Early Halloween treat nato 😂😂😂
LikeLike
Gaaaad!! Huyyy ikaw na jud. How to be you po?
LikeLike
Hahaha. Ako na ang bored sa? 😂😂😂 Kaso ang tinood nga trabahuonon, wa gyud buhata 😂😂😂
LikeLike